August 18 2020 0Comment

Empleyado ng ALJAY naging instant magsasaka!

“Magtanim ay di biro” mga katagang madalas nating mapakinggan sa mga minamahal nating mga magsasaka. Ang Aljay Agro-Industrial Solutions, Inc. ay kabilang sa tinatawag na sektor ng Agrikultura, ngunit karamihan sa pamumuhay ng mga empleyado nito ay hindi nakaugnay sa Agrikultura. Marami sa mga empleyado ay nagtapos ng Accountancy, Marketing, Finance, at ang ilan ay Information Technology. Yamang ang kumpanya ay kabahagi sa Agrikultura marapat lamang na ang mga empleyado nito ay mamulat sa reyalidad ng pagsasaka. Mainam na kanilang maranasan kung paano ang magtanim at ang pakiramdam ng mabilad sa sikat ng araw. Kaya noong ika-10 ng Agosto sa pangunguna ng ating Presidente na si Ginoog Kris Kristoffer C. Alejandro, ang mga empleyado ng Aljay ay lumahok sa Rice Farming Engagement activity.

Ang aktibidad na ito ay isinagawa sa isa sa mga research stations ng Aljay Agro-Industrial Solutions, Inc.  na matatagpuan sa Ipil, Echague, Isabela. Ang layunin nito ay mapataas ang kamalayan ng mga empleyado sa tunay na nararanasan ng ating mga magsasaka.

Habang isinasagawa ang nasabing aktibidad ay namalas ang kakaibang saya sa mukha ng bawat isa sapagkat karamihan o halos lahat ay lulusong sa bukid sa kauna-unahang pagkakataon.

Sa kabuuan may animnapung empleyado mula sa iba’t-ibang departamento (Marketing, Finance, Control, HR, Purchasing, R&D, Customer Service, Warehouse, Logistics, I.T. at Retail) ay lumahok sa aktibidad.

Pagkatapos ng aktibidad, sa kabila ng pagod, ngalay, pawisan at putikang katawan ay mababanaag pa din sa mukha ng TeamALJAY ang labis na kagalakan sapagkat kahit sa saglitang pagkakataon ay ibinilang nila ang kanilang mga sarili bilang mga  YFarmers: Mukha ng Makabagong Magsasaka.

Patuloy po tayong magtanim at magpunla ng ating mga pangarap!

 

Writer: Mark Anthony Sardan (Research & Development Manager)

 

 

webadmin

Write a Reply or Comment